Elderly Filipino Week 2017 – Isang Masaya at Makabuluhang Pagpupugay sa ating mga Mahal na Seniors

 

Pinangunahan ng inyong lingkod ang panunumpa sa katungkulan ng mga bagong halal na Senior City Officials kaugnay sa pagdiriwang ng Elderly Filipino Week na may temang “Pagkilala sa Kakayahan, Ambag at Paglahok ng Nakatatanda sa Lipunan”.
Nanumpa sa tungkulin ang 61 opisyales na sina Senior City Mayor si Alejo De Asis Sade Jr. at Senior Vice Mayor Macario A. Arguelles at mga Senior City Councilors na sina Virgilio G. Esplana, Ricardo L. Gatdula, Ma. Cecilia B. Amorante, Juan R. Sabaldan, Rafaela V. Zaguirre, Bienvenido D. C. Quion, Carmen P. Delos Santos, Concepcion O. Casantusan, Benjamin M. Resplandor, Irenea C. Rosales and Florencia S. Sagun at mga department heads.
Pansamantalang pinamunuan ng senior city officials ang pagpapatakbo ng lahat ng departamento kabilang ang Sangguniang Panlungsod ng San Pedro upang alamin ang bawat responsibilidad at mga suliraning kinakaharap ng mga ito at ang mga posibleng solusyon dito.

Binigyan ng dagdag kaalaman ng Office of the Senior Citizens Affairs (OSCA) at ng United Bayanihan Foundation, Inc. ang mga senior citizens hinggil sa karaniwang sakit ng matatanda sa “Nerve Aging & Arthritis Management” seminar noong Oct. 5, 2017 sa Multi-Purpose Hall, alinsabay sa selebrasyon ng Elderly Filipino Week 2017. Tinalakay ni Dr. Mario Bonifacio ang sintomas ng nerve ageing, rayuma o arthritis, kahalagahan ng masustansyang pagkain, ehersisyo, malinis na hangin at tubig para sa malusog na pangangatawan, at kung paano makokontrol at gagamutin ang nasabing karamdaman.
Ipinaabot din natin ang patuloy na suporta ng Pamahalaang Lungsod sa mga health programs para sa mga senior citizen ng lungsod. Ang mga nakibahagi at dumalo sa seminar ay binubuo ng Senior Citizens Association-San Pedro Chapter, CASCASPI, .Senior City Officials, dating konsehala Diwa Tayao, at iba pa.

Nagkatuwaaan ang mga senior citizens na binubuo ng City Alliance of Senior Citizens Association San Pedro, Inc. (CASCASPI), Senior Citizens-San Pedro Chapter, senior city officials at OSCA personnel sa kanilang pagsasama-sama sa paghahandog ng mga plake ng pagkilala sa mga centenarians at sa mga nakatatandang may mahalagang kontribusyon sa lipunan. Nakatanggap ng pagkilala at respeto ang mga centenarians na sina Ma. Asuncion Audencio, Esther Amalia Diopando at Segundina Bonifacio, habang inalayan ng “Bilib Kami Sa’yo” award sina dating konsehal Diwa Tayao, Kon. Bobot Berroya, Office of the Senior Citizens Affair (OSCA) head Gregoria Ramilo, CSDW head Fatima Autor, at ang inyong lingod. Siyam (9) naman na natatanging senior citizens ang nakatanggap ng “Sertipiko ng Kagalingan.” Humanga din ang Punong Lungsod sa mga senior citizens matapos silang magpamalas ng galing sa pagsasayaw ng katutubo, ballroom at Hawaian.